Madalas kong sabihin sa aking mga estudyante na ang hindi lahat ng karunungan ay nakukuha sa loob ng isang silid-aralan. May mga bagay na natututunan sa labas nito. At madalas ang pinaka importanteng karunungan sa buhay ay natututunan sa mga simpleng bagay sa ating paligid.
Huminto ka at tumingin sa paligid. Kalimutan mo muna ang pinagkaka-abalahan mo sa bawat araw. Tingnan mo ang mga bagay sa iyong paligid. Ngunit huwag mo itong tingnan kung ano ito.
Halimbawa, pagmasdan mo ang isang bote bilang hindi isang bote, o ang isang lapis bilang hindi lapis.
Tingnan mo kung ano ang maaaring sinasabi nito kung binigyan ito ng pagkakataong makapagsalita.
Sa madaling salita, magnilay ka. Huwag kang mabahala, walang tatawag sayong baliw. Walang magsasabing nasisiraan ka ng bait o nasobrahan na ang iyong karunungan at pinapatulan mo kahit ang mga walang kwentang bagay sa mata ng karamihan.
Simula ng magkaroon ako ng sariling DSLR camera, madalas ko na itong dala kahit saan ako magpunta. Hindi dahil sa dagdag “pogi points” ang may dala nito, na madalas ring dahilan ng ibang meron nito, kundi sa kagustuhan kong hindi sisihin ang sarili sa mga pagkakataong hindi ko dala ito ay may importanteng bagay na kailangan kong kunan.
Isang araw, habang naghihintay ako ng aking mga kamag-aral sa isa sa aking “masteral classes” ay naisipan kong ilabas ang aking camera para maglibang. Sa kawalan ng magandang tanawin ay natuon ang aking mga mata sa isang “Eraser”.

ERASER…. ano nga ba ang binubura nito? Ang madalas sabihin ng aking guro sa high school ay “Mr./Ms. ____, please erase the writings on the board”. Ni minsan ba ay naitanong natin kung bakit pinapabura ito. Sa palagay ko hindi.
Ngunit bakit nga ba?
Siguro para masulatan ulit.
At para masulatan muli ang pisara ay kailangan linisin ito gamit ang isang eraser.
Tama. Ang sagot sa tanong na kung bakit pinapabura ang mga nakasulat sa pisara (blackboard sa kaalaman ng karamihan) ay para maging malinis at magamit itong muli.
Simple.
Ngunit, subukan nating tingnan ito sa ibang pamamaraan.
Heto ang tanong.
Ano kaya kung ikaw ay isang pisara?
Anu-ano ang mga bagay na gusto mong burahin?
Ang kadalasang sagot ng mga kalahok sa isang beauty pageant sa tanong na “Kung uulitin ang buhay mo, ano ang gusto mong baguhin o hindi na maulit sa pangalaawang pagkakataon?”, ay ”kung mauulit man ang aking buhay, wala akong gustong baguhin, masaya at kuntento ako kung sino at kung ano ako”.
Palakpakan naman ang mga manonood. Ewan ko ba, ilang ulit na nilang narinig ang sagot na ganyan sa pauilit-ulit ding tanong ng mga taong wala na sigurong ibang maisip na mas may kabuluhang bagay na maaaring itanong sa isang patimpalak.
Malaking kalokohan.
Sige ulitin mo ang pangungupit mo sa bulsa ng pantalon ng ama mo.
Ulitin mo yung bagay na naging sanhi at napalo ka ng magulang mo.
Ulitin mo na hindi ka maghanda sa exam na naging dahilan para bumagsak ka sa isang subject mo.
Ulitin mong maglayas sa inyo para maisip mo uli na mali pala ginawa mo at babalik ka rin sa inyo.
Ulitin mong ang mga panahong naging tanga ka.
Ulitin mo ang mga panahon na nagpaloko ka.
Ulitin mo ang mga bagay na naging dahilan at nasaktan ka.
Kung ako ang tatanungin. Aba, ayaw ko nang maulit ang mga yun.
Sabi nga nila, kapag nahulog ka sa isang hukay sa unang pagkakataon…aksidente ang tawag dun. Ngunit kung mahulog ka sa parehong hukay sa pangalawang pagkakataon… katangahan at kabobohan na ang tawag dun.
Walang mali sa magkamaling muli. Ang pangit ay mahulog ka sa parehong kamalian, kasi parang wala kang natutunan sa unang pagkakataon. Maaari kang magkamaling muli, pero kung magkaganun man ay sana sa ibang bagay naman para may bago kang matutunan sa buhay.
Hmmm.. di ko sinasabi na kailangan mong magkamali para matuto, kasi maaari kang matuto sa pagkakamali ng iba. Sabi nga nila, kaya nga iba-iba ang ating mga dinadaanan sa buhay para matuto tayo sa bawat isa.
Chao